MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Liquefied Petroleum Gas Marketer’s Association (LPGMA) ang posibilidad na pagbaba muli ng presyo ng cooking gas ngayong linggo dahil sa patuloy na pagmura ng contract price nito sa internasyunal na merkado.
Sinabi ni LPGMA partylist Rep. Arnel Ty na tinatayang P5 kada kilo o P55 kada 11-kilong tangke ng LPG ang tatapyasin sa nakatakdang rolbak anumang araw.
Ito umano ang pangako nila noon na “trend” sa presyo ng LPG na sunud-sunod na rolbak dahil sa pagbaba sa demand o pangangailangan sa buong mundo sanhi para bumaba ang presyo sa world market.
Nitong Abril 16, nagtapyas ng P1 kada kilo o P11 kada tangke ang LPGMA at P2 kada kilo o P22 kada tangke nito namang Abril 9.
Inihayag naman ng Petron ang rolbak nila sa kanilang produktong petrolyo ngayong Lunes ng umaga.
Magbabawas ang Petron ng P.60 sa regular gasoline at P.30 sa premium at unleaded gasoline. Mananatili naman ang presyo ng kanilang diesel.
Nitong Sabado ng umaga, unang nagpatupad ng P.30 sentimos kada litrong rolbak ang Flying V sa premium, unleaded at kerosene at P.25 kada litro sa regular gasoline.