Electoral sabotage vs ex-Comelec supervisor inatras ng DOJ
MANILA, Philippines - Pormal nang hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Pasay City Regional Trial Court Branch 112 ang pag-aatras ng kasong electoral sabotage laban kay dating election supervisor Atty. Yogie Martirizar.
Sa 4-na pahinang mosyon na inihain sa korte na may petsang Abril 25, 2012 na nilagdaan nina Assistant State Prosecutor Mari Elvira Herrera, Senior Asst. City Prosecutor Orlando Mariano at Prosecution Atty. Mark Roland Estepa, hiniling ng DOJ na gamitin si Martirizar bilang state witness laban kay dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, isa rin sa akusado sa nasabing kaso.
Mahalaga umano ang testimonya ni Martirizar dahil siya pa lamang ang direktang nakapagtuturo kay Abalos na may kinalaman at diumano’y nag-utos na dayain ang resulta ng eleksyon sa Region 12 para tiyakin ang pagkapanalo ng mga kandidato sa pagka-senador ng Team Unity.
Batay din umano sa kanyang affidavit na may petsang September 6, 2011, lumilitaw na si Martirizar ang hindi most guilty sa kaso. At dahil naisailalim na umano si Martirizar sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno, mas nararapat lamang na maialis na ang kanyang pangalan bilang isa sa mga akusado dahil sa ilalim ng Section 12 ng Republic Act 6981, ang mga kagaya niyang testigo ay mayroong immunity mula sa criminal prosecution.
- Latest
- Trending