MANILA, Philippines - Inamag lamang at tila nakalimutan na umano ang kontrobersiyal na kasong ghost employees at ghost project laban sa tatlong konsehal ng Quezon City.
Nabatid na noong 2011 pa kinasuhan ng graft and corruption sa Ombudsman sina Francisco Boy Calalay Jr., ng QC 1st District, Roderick Paulate ng 2nd District at Marvin Rillo ng 4th District sa ilalim ng Case No. CPL-11-0168, base sa reklamo ni Jimmy Lee Davis ng BFP Compound, East Avenue, Brgy. Central, QC.
Nabunyag ang isyu sa programang Imbestigador ng GMA-7 noong Dis. 18, 2010 kung saan isiniwalat ang mga taong nakapangalan sa job order/payroll subalit ng puntahan ng nasabing TV program ang mga may-ari ng tunay na pangalan, mariing ikinaila nila na wala silang alam sa naturang isyu.
Nakasaad pa sa apat na pahinang sinumpaang salaysay ni Davis, bukod sa gumagamit umano ng pangalan ng tao sina Calalay, Rillo at Paulate, pinipeke pa raw ang pirma ng umano`y ghost employees nila.
Samantala ang mga seminars, meetings at mga special projects ay ginagawa na lamang din umanong “black in white” documents, sa kabila na walang naganap na seminars, meetings at special projects.
Sinabi ni Davis na may nakalaang pondo taun-taon na P43 milyon kina Calalay, Rillo at Paulate.