K-12 wala pang pondo

MANILA, Philippines - Kailangang masiguro muna na may pondo bago ipatupad ang K-12 Program ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Alab ng Ma­mamahayag (ALAM) Chairman Jerry Yap, walang katwiran ang karagdagang dalawang taon sa 10 taong basic education ng mga estudyante sa bansa dahil sa pulso ng ekonomiya sa kasalukuyan.

Aniya, kahit ang mga guro ay hindi handa sa pagpapatupad ng K-12 kaya malamang na pumal­pak sila.

Gayundin, sinabi niyang wala pang batas na magpapalakas sa K-12 kaya wala pa itong badyet at paghahanda.

Napakalaki rin umano ng problema ngayon ng DepEd dahil wala itong clear-cut policy sa nasabing programa.

Mga public schools lamang umano ang sapilitang magpapatupad nito samantalang ang mga private schools ay hindi naman obligado.

Dapat umano ay kinonsulta muna ni DepEd Sec. Armin Luistro ang mga magulang at teachers bago siya nagdesisyong ipatupad ito.

Gayunman, alam umano niyang maganda ang layunin ni Luistro sa K-12 ngunit hindi niya ito dapat minadali.

Mas maganda kung ang gagastusin sa dalawang karagdagang taon ay ilaan sa training at hiring ng mga teacher.

Kung magagaling umano ang training ng mga guro ay hindi na kakaila­nganin pa ang karagdagang dalawang taon.

Ayon kay Fairview Ele­mentary School Principal Eugenia Cristobal, kung siya ang tatanungin ay hindi nakukuha sa dami ng taong ipinasok ng bata ang kalidad ng edukasyon.

Aniya, kahit gaano ka­husay ang titser, kung sobra-sobra ang dami ng estudyante ay wala ring mangyayari.

Tao lamang umano ang mga titser at may hangga­nan ang kanilang kapasidad.

Show comments