MANILA, Philippines - Hiniling ng isang kongresista sa Local Government Units (LGUs) na kaagad i-padlock ang mga gasoline stations sa kanilang nasasakupan na mahuhuling nandadaya sa pagbibigay ng mga produktong petrolyo sa mga motorista gayundin ang mayroong mga tampered o depektibong pumps.
Paliwanag ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy, may karapatan ang local na pamahalaan at municipal government sa bansa na i-recall o bawiin ang mga business permits at lisensya na kanilang inisyu sa mga gasoline outlets kapag matutuklasang nandaraya ang mga ito.
Bukod dito may responsibilidad din umano ang LGUs na magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga gasoline stations na nag o-operate sa kani-kanilang mga siyudad at munisipalidad.
Kabilang umano sa mga dapat na inspeksyunin ang calibration ng gasoline pumps na siyang magbibigay garantiya sa tamang paglalagay ng gasoline sa tangke ng mga sasakyan.
Sabi pa ni Herrera-Dy na mayroong mga independent oil firms ang mababa ang presyo ng diesel at gasoline kayat nakakabawi ng kanilang kita sa pamamagitan ng pagmamanipula sa gasoline pumps. Ang pinaka malala umanong natatanggap nilang reklamo mula sa mga motorista ay maging mga malalaking gasolinahan ay nagta-tampered na rin ng pumps at meters.