MANILA, Philippines - Siniguro ni Pangulong Benigno Aquino III na ipaglalaban ng gobyerno ang soberenya nito sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal).
Sinabi ni Pangulong Aquino sa media briefing sa Malacañang, inatasan din niya si DFA Undersecretary Erlinda Basilio upang ipagpatuloy ang pakikipag-usap kay Chinese Ambassador Ma Keqing upang hindi lumala ang tension sa Panatag Shoal.
“Ang mahalaga ay tuluy-tuloy ang negosasyon at nag-uusap ang dalawang panig upang hindi lumala ang tension sa Panatag Shoal,” wika pa ni Aquino sa Malacañang reporters.
Ipinahiwatig din ng Pangulo ang posibilidad na palitan na niya si Ambassador-designate Domingo Lee sa China upang magkaroon ng kinatawan ang Pilipinas sa China. Tatlong beses na kasing na-bypass ng Commission on Appointments si Lee.
Magugunita na nagkaroon ng tension sa Panatag Shoal matapos hulihin ng mga awtoridad ang 8 fishing vessels sa Scarborough Shoal noong nakaraang linggo subalit hinarang naman ng 2 surveillance ship ng China ang BRP Gregorio del Pilar para arestuhin ang mga Chinese poachers.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang stand-off sa Panatag Shoal kung saan ay nagbabantay pa rin ang BRP Pampanga ng Philippine Coast Guard at Coast Guard din ng China.
Inaangkin ng China ang Panatag Shoal na matagal na daw pangisdaan ng mga Chinese fishermen kahit noong Ming Dynasty pero iginiit ng Pilipinas na bahagi ito ng bansa dahil nasa 138 miles lamang ang layo nito mula sa Zambales.
Sa kabila ng napawi na ang tensyon, nagpapatuloy pa rin ang standoff sa Scarborough Shoal may 124 nawtikal na milya ang layo sa Palawan.
Ito’y matapos na bumalik na naman sa lugar ang isa pang maritime vessel ng China kung saan nasa dalawa na ang barko ng nasabing bansa sa pinag-aagawang teritoryo.