MANILA, Philippines - Hinamon ng Malacañang ang isang Obispo mula sa Mindanao na maghain ng kongkretong panukala upang malutas ang power shortage sa Southern Philippines.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, mas makakabuting magbigay ng kongkretong solusyon si Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez upang malutas ang power shortage sa Mindanao kaysa batikusin nito ang ginagawang hakbang ng gobyerno upang maresolba ito.
Ayon kay Usec. Valte, handang makinig ang Palasyo sa anumang makatotohanan at kongkretong solusyon na naiisip ni Bishop Gutierrez upang tuluyang malutas ang dinadanas na power shortage sa Mindanao.
Magugunita na nanguna si Pangulong Benigno Aquino III sa energy summit sa Davao City noong nakaraang Biyernes kasama ang mga stakeholders upang makabuo ng agaran at pangmatagalang solusyon sa power shortage sa Mindanao.
Subalit binatikos naman ni Bishop Gutierrez ang ginawang energy summit ni Pangulong Aquino dahil hindi daw makatarungan ang pagpapataw ng ‘mahal na singil’ sa kuryente sa Mindanao.
Ang nakikitang mabilis at agarang solusyon ng gobyerno sa power shortage sa Mindanao ay ang paggamit ng power barges upang mapagkunan ng kuryente subalit mas mahal ito kaysa sa hydro electric power.
Sinisi pa ni Bishop Gutierrez ang gobyerno na siyang may kasalanan kaya nagkaroon ng power shortage sa Mindanao dahil sa kapabayaan nito at pagpapatupad ng maling polisiya.
Samantala, tahasang sinabi naman ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi makakaya ng gobyerno nai-subsidize ang kuryente sa Mindanao.
Ayon kay Pangulong Aquino sa media briefing, nakikiusap siya sa mga investors sa power sector na maging ‘fair’ naman sa gagawin nitong pagtataas ng kuryente kasabay ang paniniguro na pag-aaralan din ng Palasyo ang panukalang nuclear power.