Lanuza makakalaya na sa Saudi!
MANILA, Philippines - Matapos ang 12 taon pagkakapiit, nakamit na rin ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nasa death row ang minimithing kalayaan matapos na maibigay ang P35 milyong blood money sa pamilya ng kanyang napatay kapalit ng tanazul o pagpapatawad upang masagip siya sa bitay.
Mismong si Rodelio “Dondon” Lanuza, 39, isang architectural draftsman sa Saudi, ang nag-anunsyo na nakuha na niya ang kalayaan matapos na maipasa ang P35 milyong blood money na nalikom ng mga tagasuporta kabilang na ang mula sa pamahalaan at iba’t ibang indibiduwal sa pamilya ng biktima ng Saudi national na kanyang napaslang dahil sa pagtatanggol sa sarili noong 2000.
Kinumpirma naman Migrante Middle East regional coordinator John Leonard Monterona mula sa personal na liham sa kanya ni Lanuza na ang Phl reconciliation commitee team na pinamunuan ni dating Ambassador Antonio Villamor ay nagtagumpay sa ginawang pagkumbinsi sa pamilya ng biktima upang tanggapin nang pormal ang blood money ng inalok ni Lanuza sa pamamagitan ng Saudi Reconciliation Committee.
Bunsod nito, inaayos na ng pamahalaan ang ganap na paglaya ni Lanuza at pagbabalik sa bansa.
Si Lanuza ay sinentensyahan ng mataas na hukuman ng Saudi noong 2001 dahil sa ‘unintentional killing’ sa Saudi national noong Agosto 2000.
Nag-uumapaw ang pasasalamat ni Lanuza sa mga tumulong sa kanya kabilang na ang mga kapwa OFWs na nag-ambag, ang media, DFA at lahat ng ahensya ng pamahalaan lalo na ang philatrophist na si Atty. Loida Nicolas-Lewis na nagsilbing daan upang ganap na malikom ang milyun-milyong blood money.
- Latest
- Trending