MANILA, Philippines - Isang draft resolution umano ang pinapaikot sa mga miyembro ng Comelec en banc upang bawiin na ang kasong electoral sabotage na isinampa laban kay dating South and North Cotabato election supervisors Lilian Radam at Yogie Martirizar.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos, anak ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos na kasama rin sa sinampahan ng electoral sabotage matapos ang umano’y dayaan noong 2007 elections. Dahil dito kayat umapela ang pamilya Abalos sa mga Comelec commissioners sa pangunguna ni Chairman Sixto Brillantes na sana ay makonsensya naman umano ang mga ito at ‘wag ituloy ang pagpapasa ng nasabing resolusyon.
Tumanggi naman si Mayor Abalos na pangalanan kung sino ang pinagmulan ng kanilang impormasyon subalit siniguro nito na credible ang kanilang impormante na nagmamalasakit sa kaniyang ama na dating pinuno ng Comelec.
Giit pa ng Alkalde na kung sakaling matuloy ang pag-withdraw sa nasabing kaso ay hindi umano ito makatwiran pagkat may mga mabibigat na ebidensya laban kina Radam at Martirizar para madiin ang mga ito sa kaso, habang kay Chairman Abalos ay wala pa ring maiharap na matibay na ebidensya at testigo para idiin ito sa dayaan noong 2007 elections sa Mindanao.
Hiling pa ni Abalos na payagan na lamang makapagpiyansa ang kanyang ama dahil sa bukod sa edad nitong 80 anyos ay may mga sakit na rin ito.