MANILA, Philippines - Inaprubahan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang P14 umento sa sahod ng mga pribadong manggagawa sa Central Mindanao o Region 12.
Ayon kay Labor Regional Director Chona Mantilla, sinang-ayunan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) na itaas ang arawang sahod alinsunod sa Wage Order No. RB12-17.
Sa ilalim ng bagong wage order, papalo na ang arawang sahod sa pagitan ng P248 hanggang P270 mula sa dating P234 hanggang P260.
Ang unang bugso aniya ng umento ay ibibigay sa Mayo 1 kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day, habang ang pangalawa ay sa katapusan ng Disyembre.
Sakop ng bagong wage increase ang mga manggagawa sa South Cotabato, North Cotabato, Sultan Kudarat at Sarangani, at mga siyudad ng General Santos, Koronadal, Takurong, Kidapawan at Cotabato.