MANILA, Philippines - Dalawang tripulanteng Pinoy ang namatay habang walo pa ang nailigtas sa isinagawang rescue operations ng Iranian Navy sa hinayjack na cargo vessel ng mga piratang Somali habang naglalayag sa karagatan ng India.
Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Raul Hernandez ang pagkasawi ng dalawang Pinoy na hindi pinangalanan matapos na tamaan ng bala sa ulo ang isa habang ang isa ay namatay sa suffocation o naubusan ng hangin habang nagtatago sa engine room ng barko.
“During the rescue misson, 2 Filseamen died. One died of gunshot wound in the head while another died of suffocation at the engine refuge during the operation.,” sabi ni Hernandez.
Ayon sa report, noong Marso 26 hinayjack ng mga piratang Somali ang MV Eglantine, isang Cypriot-flagged at Iranian-owned vessel na kinalululanan ng 23 crew, 10 dito ay mga Pinoy seamen.
Noong Abril 2 nagsagawa ng rescue operations ang Iranian Navy.
Sa salaysay ng mga nakaligtas na Pinoy, habang papalapit umano ang Iranian commandoes na magliligtas sa kanila ay isa-isa silang tinutukan ng baril ng mga pirata at ginawa silang kalasag o human shield hanggang sa magbakbakan at magkaputukan. Tiniyak naman ng Kish Shipping Lines sa Bandar Abbas sa Embahada na maibibigay ang lahat ng kompensasyon ng mga Pinoy seamen.
Nakatakdang umuwi ang mga nakaligtas na Pinoy sa Abril 11.