Comelec makakatipid ng P100-M

MANILA, Philippines - Inamin ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes na mapipilitan silang gumastos pa ng mahigit sa P100-milyon para sa pagbili ng mga bagong ballot boxes na gagamtin sa 2013 midterm polls bunga ng pagkakabinbin ng kanilang mga dating ballot boxes na gamit pa sa election protest  ni Transportation Secretary Mar Roxas laban kay Vice-President Jejomar Binay.

Sinabi ni Brillantes na ito’y bunga ng  patuloy na pagtanggi ni Roxas na iatras ang inihaing electoral protest laban kay Vice President Jejomar Binay na nakabimbin pa rin sa Korte Suprema, ang nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal o PET.

Pinaliwanag  ni Brillantes na ito ay dahil sa wala na silang opsyon kundi magsagawa ng  bidding para sa procurement ng bagong ballot boxes at iba pang election paraphernalia.

Sa ngayon, ayon kay Brillantes, naghahanda na sila para sa public bidding ng mga bibilhing ballot box  na gagamitin sa 2013 election.

Aminado rin si Brillantes  na ang nakikita na lamang niyang pag-asa upang makatipid ang Komisyon  ay kung papayag ang Korte Suprema na umuupong PET na ipagamit ang mga nasabing lumang kahon ng balota.

Una ng lumagda ang Comelec sa  Smart­matic International para sa pagbili ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines pero hindi kasama rito ang iba pang serbisyo at election paraphernalia na ginamit noong 2010 national and local elections.

Kabilang na rito ang mga ballot boxes, ballot papers, at ballot printing dahil kinakailangan itong dumaan sa public biddings.

Matatandaan na dahil sa automated na ang halalan noong  May 2010 elections, ay makabago na rin ang ginamit na ballot box ng Comelec.

Ang nasabing ballot box ay kulay itim, na gawa sa plastic na may  translucent na bintana sa magkabilang gilid.

Show comments