AFP Chief, 15 pang heneral na-promote
MANILA, Philippines - Nasungkit na rin sa wakas ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Jessie Dellosa ang kaniyang ika-4 na estrelya kasunod ng nakamit nitong promosyon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., mula sa pagiging dating Lieutenant General ay isa na ngayong full pledged General si Dellosa, ang pinakamataas na ranggo na para lamang sa Chief of Staff ng AFP.
Si Dellosa ay natalaga sa posisyon noong Disyembre 12, 2011 matapos hirangin ni Pangulong Aquino bilang ika-43 Chief of Staff sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Si Dellosa ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1979 ay dating nagsilbi bilang Commander ng AFP-Northern Luzon Command na nakabase sa Tarlac, ang balwarte ng pamilyang Aquino.
Bukod kay Dellosa, 15 pang opisyal ang pinagkalooban rin ng promosyon kabilang sina Philippine Air Force Chief Major Gen. Lauro Catalino dela Cruz na ngayon ay Lt. General at Inspector General na na-promote sa tatlong estrelya na si Lt. Gen. Irineo Espino.
Ang iba pa ay mga Major Generals na sina MGen Joel P. Ibañez, commander ng Training and Doctrines Command, Philippine Army (PA); MGen Romulo Cabantac, The Chief Engineer, AFP; at MGen Edgardo Rene C. Samonte, Commander of 15th Strike Wing, PAF.
Ang mga bagong Brigadier Generals ay sina BGen Oscar Lopez, BGen Noel Miano, BGen Felecito Virgilio Trinidad Jr., BGen Aurelio Baladad, BGen Rolando Jungco, BGen Carlos Quita, BGen Julius Guillermo, BGen Salvador Melchor Mison, at BGen Paulita Cruz, ang isa sa pangalawang pinaka-aktibong babaeng heneral sa AFP na nauna ng nasungkit ni BGen Ramona P. Go, Chief Nurse ng AFP.
- Latest
- Trending