Kabataang nasasangkot sa kaso nabawasan sa Caloocan
MANILA, Philippines - Lumiit na ang bilang ng mga kabataang nagkakaroon ng kaso sa lungsod ng Caloocan dahil na rin sa mga ipinatutupad na programa ng lokal na pamahalaan para sa mga menor de edad na nasasangkot sa krimen.
Ayon kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri, umaabot na lamang ngayon sa 36 na kabataan ang kasalukuyang nasa pangangalaga ng Yakap Bata Holding Center kung saan ay pansamantalang dinadala ang mga tinatawag na Children In Conflict with Law (CICL) mula sa 80 na bilang nito noong nakalipas na taon.
Base kasi sa nakasaad sa Republic Act No. 9344 na ang mga kabataang nasa edad 17 pababa ay walang kriminal na pananagutan bagama’t nakagawa ang mga ito ng krimen at ang Yakap Bata Holding Center sa Calocan City ang pinagdadalhan sa mga ito upang dumaan sa rehabilitasyon hanggang sa tuluyang magbago ang pag-uugali ng mga ito.
Sumasailalim din ang mga CICL sa mga gawaing makapagdedetermina ng dahilan kung bakit nasangkot ang mga ito sa krimen at kung paano babaguhin ang mga maling ugali ng mga ito na naging dahilan ng paglabag ng mga ito sa batas.
Bukod sa mga batang naliligaw ng landas ay kasama rin sa kampanya ni Echiverri ang pagkalinga sa mga batang hindi kayang alagaan at palakihin ng kanilang mga magulang at ang mga batang nagpapakalat-kalat lamang sa kalye.
- Latest
- Trending
















