Gulay, prutas iwas kanser
MANILA, Philippines - Upang makaiwas sa Colorectal cancer na pang-apat na ngayon sa pangunahing cancer sa bansa, pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na ugaliing kumain ng gulay at prutas na mayaman sa fiber.
Ang payo ng DOH ay kasabay sa Colorectal Cancer Awareness Month na may temang “Kapit-Bisig Sa Paglaban Sa Colorectal Cancer”.
Iniulat ng DOH na sa buong mundo, mayroon nang 1.23 milyong bagong kaso ng colorectal cancer ang natutukoy kada taon.
Sa Pilipinas, sinabi ni Health Secretary Enrique Ona na ang naturang cancer ay nakaapekto na sa may 5,787 Pinoy noong taong 2010 lamang at kalimitang tinatamaan nito ay mga taong 50-anyos pataas.
Ilan sa mga personalidad na kilalang nakipaglaban sa naturang sakit sina dating Pangulong Corazon Aquino, Blessed Pope John Paul II at dating US President Ronald Reagan.
Kabilang sa mga uncontrollable risk factors ay edad, family history ng colorectal cancer, ovarian cancer o breast cancer habang ang controllable risk factors o yaong maaaring itama ay ang diet, partikular ang mga mahihilig sa red meat o processed foods, obesity, sedentary lifestyle, paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak.
Ilan sa sintomas ay constipation, o intermittent constipation at diarrhea, hirap na pagdumi, o pabagu-bagong bowel habit, dugo sa dumi, pagbaba ng timbang, lagnat, kawalan ng gana sa pagkain, labis na pagkapagod, pagsusuka at pagkahilo, jaundice, abdominal discomfort at gas pains o cramps. Maaari ring magkaroon ng rectal bleeding o anemia sa mga taong mahigit nang 50-taong gulang.
Iginiit ni Ona na mas mataas ang tiyansa ng curability at survival ng pasyente kung maagang matutukoy ang sakit.
Inirerekomenda ni Ona sa mga taong nasa 50-anyos pataas ang pagkakaroon ng colon cancer screening lalo na’t mahigit 90% ng colon cancer patients ay nasa ganitong edad na, at may average age of diagnosis na 64.
- Latest
- Trending