MANILA, Philippines - Patuloy na sasadsad ang popularidad ni Pangulong Benigno Aquino III dahil sa mga iresponsableng miyembro ng kanyang Gabinete partikular si Environment Sec. Ramon Paje na nagsasawalang kibo sa patuloy na operasyon ng illegal miners.
Bagama’t suportado ang kampanya ni PNoy laban sa korapsyon, naniniwala ang Bantay ng Bayan Laban sa Katiwalian sa Pamahalaan (Lakap Bayan) na hindi na dapat italaga sa DENR si Paje dahil ito ang dapat managot sa hindi mapigil na small scale mining operations na sanhi ng mga pagguho ng bundok na ikinamatay ng maraming ilegal na nagmimina at ng kanilang pamilya.
Ayon kay Lakap Bayan Chairman at dating Col. Jan Allan Marcelino, dapat nang ipatigil ng DENR ang small scale at illegal mining na nakawawasak sa mga kabundukan at katubigan sanhi ng paggamit ng mercury (asoge) at dinamita pero hinahayaan lamang ni Paje ang patuloy na operasyon ng mga ito partikular sa Mindanao.
“Matagal na kaming lumantad at patuloy na nag-oobserba sa mga personalidad na itinalaga ni PNoy pero tila may utang na loob ang Pangulo kay Paje kaya muli itong itatalaga sa DENR kahit kung ilang ulit nang ibinasura ng Commission on Appointments,” giit ni Marcelino. “Sa pag-apruba nga lang sa enviromental compliance certificate (ECC) sa Obando landfill nang walang konsultasyon sa mga mamamayan ay malaking krimen na sa taga-Bulacan ang ginawa ni Paje pero pikit-mata lamang siya kahit maraming mapapahamak sa proyektong ito.”
Pinansin ng Lakap Bayan ang patuloy na pagbaba ng popularidad ni PNoy samantalang umaangat si Vice President Jojo Binay dahil wala itong bagahe hindi tulad ng Pangulo na bumubulusok sa mga survey sanhi ng mga iresponsableng miyembro ng Gabinete tulad ni Paje.