MANILA, Philippines - Matapos ang isang linggong pagkakabihag, pinalaya na ng mga kidnappers kamakalawa ng gabi ang dalawang guro sa pampublikong paaralan na binihag sa Iligan City, ayon sa opisyal ng militar kahapon.
Ayon kay 1st Infantry Division (ID) Spokesman Captain Alberto Caber, dakong alas-7:25 ng gabi nang pakawalan ng mga kidnappers ang mga bihag na sina Rene Sumagang at Serfino Sanchez; pawang guro sa Bayug Falls Elementary School sa Brgy. Rogongon, Iligan City.
Ayon kay Caber, ang mga ito ay itinurnover ng mga miyembro ng “Tonda Force“ na pinamumunuan ni Mangagao Elias alyas Commander Ayatullah kay Tagaloan, Lanao del Sur Mayor Mizangcad Capal.
Si Ayatullah, lider ng 9-man kidnap for ransom group (KFR), ay may warrant of arrest sa mga kasong cattle rustling, arson at bukod dito ay notoryus rin sa kidnapping.
Ayon sa military ay walang kapalit na ransom ang pagpapalaya sa mga bihag na guro.
Una nang humingi ng P 4 M ransom ang grupo ni Ayatullah sa pamilya ng 2 guro kapalit ng kalayaan ng mga ito.