MANILA, Philippines - May 30 special education teachers, na siyang nagtuturo ng mga paslit na may autism spectrum disorder (ASD) sa bansa, ang nagkaroon ng pagkakataon na kumpletuhin ang kanilang scholarship program at i-update ang kanilang kasanayan sa kasalukuyang trend ng ASD.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, ang 2012 scholarship program para sa special education (SPED) teachers na nagtuturo sa mga batang may ASD ay idaraos mula Abril 10 hanggang Mayo 5, 2012 sa Philippine Normal University sa Maynila.
Ang scholarship program ay bilang suporta sa pagsusumikap ng departamento na mapataas pang lalo ang kalidad ng edukasyon para sa mga batang may ASD. Ang mga naturang SPED teachers ay nabatid na recipient ng 2011 scholarship program kung saan nag-organisa sila ng programa at mga klase para sa mga children with ASD sa kani-kanilang lugar.
Ang ‘autism’ ay isang complex developmental disability na nagiging sanhi ng problema sa social interaction at komunikasyon ng isang indibidwal. Ilan sa sintomas nito ay makikita bago pa tumuntong ng edad na tatlong taon ang isang bata at maaaring maging sanhi nang pagkaantala sa development ng iba’t ibang kakayahan nito mula sa kaniyang pagsilang hanggang sa kaniyang pagtanda.