Bentahan ng lote ng Century Park pinapawalambisa
MANILA, Philippines - Nagpetisyon ang Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) sa Manila Regional Trial Court upang ipawalambisa ang bentahan ng lupang kinatatayuan ng Century Park Hotel dahil walang batas o ordinansa para maipatupad ito.
Nagreklamo si 4K secretary general Rodel Pineda sa Manila RTC matapos matuklasan na ang bentahan ay niratipikahan lamang sa Resolution 278 ng City Council of Manila noong Disyembre 2008 kaya walang batas o ordinansa na magpapahintulot sa pagbebenta ng 22,967 square meters na lupain ng siyudad.
Nilinaw ni Pineda sa Artikulo 5 ng New Civil Code na anumang aksiyong isinagawa laban sa probisyon ng kinakailangang batas ay walang bisa, maliban kung ang batas mismo ang nag-aawtorisa sa pagkabisa nito.
Idinagdag niya na sa Article 1409 (7) ng New Civil Code, walang bisa ang isang kontrata sa simula pa lamang kung ipinagbabawal ito o idedeklarang walang bisa ng batas. Nagpasya ang Korte Suprema na sa kawalan ng batas o ordinansa na nagpapahintulot sa pagbebenta ng di-natitinag na ari-arian ng gobyerno, walang bisa ang transaksiyon.
Dahil dito, hiniling ni Pineda sa korte na ideklarang walang bisa ang kontratang nilagdaan ng Maynila at Maranaw Hotels and Resort Corp. na nagmamay-ari sa Century Park noong Agosto 24, 2009 dahil walang batas na magpapatibay sa pagbebenta ng 22,967 square meters na pag-aari ng lungsod.
- Latest
- Trending