MANILA, Philippines - Isang hukom ang sinampahan ng kasong administratibo kahapon sa Kore Suprema makaraang ibasura nito ang kasong smuggling na isinampa laban sa isang British national na nahuling nagbibenta ng mga diyamante at mamahaling alahas sa Pasig City.
Sinabi ni Dangerous Drugs Board Chief of Staff Jeffrey Patawaran na sinampahan niya ng kasong gross ignorance of the law at misconduct si Pasig City Regional Trial Court Branch 167 Judge Rolando Mislang makaraang katigan nito si Siu Ting Alpha Kwok.
Si Kwok ay ipinagharap ng kasong paglabag sa Seksyon 3601 at 2530 ng Tariff and Customs Code of the Philippines pagkatapos makumpiska sa kanyang pangangalaga ang mga diyamante at mamahaling alahas na nagkakahalaga ng halos P250 milyon.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si DDB Chairman Secretary Antonio “Bebot” Villar, Jr., dating hepe ng Presidential Anti Smuggling Group, sa naging hatol ni Mislang. Sinabi niya na sinunod ng kanyang mga dating tauhan ang batas sa paghuli kay Kwok at pagkumpiska sa mga ibinibenta nitong diyamante at alahas.
Ipinagdiinan ni Patawaran na si Kwok ay pinalaya ni Mislang sa kabila ng katotohanang nabigo itong magpakita ng ebidensya na binayaran nito ang buwis sa pag-import ng mga mamahaling bato. Nabigo din aniya si Kwok na magpakita ng mga dokumentong magpapatunay na legal ang ginawang importasyon.