MANILA, Philippines - Matapos ideklarang fireout, nagsagawa ng inspeksiyon si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa loob at paligid na nasunog na Ever Gotesco Grand Central Mall kasama ng mga kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Echiveri, nagkalat ang mga bakal sa loob ng Grand Central at nakahambalang din ang iba pang gamit na siyang naging epekto ng naganap na sunog kung saan ay idineklara lamang itong fire out bandang alas 7:25 ng umaga.
Inikot din ni Echiverri ang mga residenteng naninirahan sa paligid ng mall at pinaalalahanan ang mga ito na maging alerto sa kanilang paligid.
Hinarap din ni Echiverri ang mga stall owner na may puwesto sa loob ng mall at sinabihan na huwag piliting makapasok sa loob ng Grand Central dahil sa ngayon ay delikado pa rin ang magtagal sa loob ng nasunog na establisimyento.
Pangungunahan ng DILG Inter Agency Anti-Arson Task Force (IATF) ang malalimang imbestigasyon sa sunog na tutukoy sa tunay na dahilan kung bakit tumagal ng halos 30 oras ang nasabing sunog.