MANILA, Philippines - Epektibo ngayong Miyerkoles, P8.50 na ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep nationwide maliban sa Region 1, Caraga, Region 12 Central Mindanao at ARMM.
Ito’y makaraang aprubahan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang hiling ng transport sector na maibalik ang 50 cents provisional increase na singil na pasahe sa jeep.
Sinabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB, hindi na idinaan sa public hearing ang desisyon sa fare hike dahil ito ay provisional increase o pagtataas ng pasahe na hindi na dadaan sa pagdinig.
Nilinaw ni Iway na ang 50 cents ay pagbabalik lamang sa dating P8.50 pasahe noong 1998.
“There was no need for a fare matrix because the 50-centavo hike is just an ‘add-on’. There will be no additional charge for every kilometer after the first five kilometers,” ayon sa LTFRB.
Nagbanta ang LTFRB na kakanselahin nito ang prangkisa ng mga jeep kung aabusuhin ang fare hike.
Sinasabing nagtataas din ng pasahe ang mga AUV express na nag-uulo-ulo ng pasahero kapag nagtataas ng singil sa pasahe sa jeep.
Hindi na umano makaagapay at halos wala ng kinikita ang mga driver ng jeep dahil sa mataas na presyo ng langis at spare parts kaya pansamantalang inaprubahan ang dagdag na 50 sentimo.