MANILA, Philippines - Sa halip na obligahin o pilitin ang malalaking drug manufacturers na ibaba ang presyo ng kanilang produktong medisina, nais na lamang ni Health Secretary Enrique Ona na gawing mandatory sa mga miyembro ng Philhealth ang paggamit lamang ng generic drugs.
Ipinanukala ng kalihim na maaring hindi bayaran ng gobyerno ang Philhealth kung ang gamot na binili ng pasyente ay hindi generics.
Ipinaliwanag ni Ona na malaki ang papel ng Philhealth para ipabatid sa publiko na maraming pagpipilian na gamot na mas mura pero de kalidad din ang bisa tulad ng branded medicines.
Ayon sa kalihim, sa halip na pilitin ang mga drug manufacturer na babaan ang presyo ng kanilang mga medisina ay mas mainam na ipatupad na lamang ang tinatawag na market forces.
Ito’y kung saan oobligahin ang mga Philhealth member na generics medicine lamang ang tangkilikin.
Aniya, dahil malaki ang partisipasyon ng PhilHealth sa pagbabayad ng bill sa ospital at medisina ng mga pasyente kaya kailangan tiyakin na susundin ng mga miyembro nito ang naturang patakaran ng gobyerno.