MANILA, Philippines - Maging ang Metro Rail Transit (MRT-3) ay magsususpinde rin ng kanilang operasyon sa loob ng apat na araw sa Holy Week o mula Huwebes Santo (Abril 5) hanggang Linggo ng Pagkabuhay (Abril 8).
Ito’y upang bigyang-daan umano ang maintenance at repair works ng transit line sa EDSA.
Ayon sa MRT management, ang operasyon ng MRT ay magbabalik ganap na alas-5:00 ng umaga sa Abril 9, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan, na isang regular holiday.
Matatandaang una nang sinabi ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na magsususpinde ng operasyon ang LRT Line 1 at 2 sa Holy Week.
Ayon kay Engr. Emerson L. Benitez, Officer-In-Charge ng LRTA, magsasagawa ang LRTA ng taunang maintenance work sa naturang mga railways sa Mahal na Araw.
Kabilang umano sa isasagawang maintenance work ay paglilinis at pag-check ng lahat ng pasilidad ng LRT, systems at equipment, at pagpapalit ng catenary wires at rail ballasts sa mga critical segments nito.