Property sa McKinley nakapangalan sa anak ni Corona

MANILA, Philippines - Iniharap kahapon ng depensa bilang testigo sa ika-30 araw ng impeachment trial ang officer-in-charge ng city assessor ng Taguig na nagpatunay na nakapangalan sa anak ni impeached Justice Renato Corona ang isang property sa McKinley.

Dinala ni Roberto Villaluz sa impeachment court ang kopya ng tax declaration at transfer certificate of title ng McKinley property na nakapangalan kay Charina Corona.

Ayon kay Dennis Manalo, defense lawyer ni Corona, maliwanag na hindi ang chief justice ang may-ari ng nasabing property kaya hindi niya ito idineklara sa kaniyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Tumestigo rin si Villaluz tungkol sa assessed at market values ng dalawang properties sa Taguig na nakapangalan sa chief justice at sa asawa nitong si Ma. Crisina.

Ayon kay Villaluz ang assessed value ng mga Corona sa Bonifacio Ridge ay P1,421,990 samantalang ang market value sa Bellagio property ay P5,827,200 at mayroon itong assessed value na P3,496,310.

Ang properties ni Corona sa Bonifacio Ridge at sa Belagio ay nakadeklara sa kaniyang SALN noong 2010.

Samantala, naniniwala ang prosekusyon na si Corona ang totoong may-ari ng property sa McKinley Hill at hindi ang anak nitong si Charina dahil wala umanong kakayahan ang huli na bumili ng ari-arian.

Matatandaan na iniharap ng prosekusyon bilang testigo noong Enero 30 si Giovanni Ng, financial director ng Megaworld Corp. na nagpatunay na bagaman at nakapangalan kay Charina ang nasabing property, pero ang mga magulang naman nito ang nagbayad para sa nasabing ari-arian.

Show comments