Prosec duda sa benepisyo ni Corona
MANILA, Philippines - Duda ang prosekusyon sa iprinisintang listahan ng sweldo, allowance at mga benepisyo na natatanggap ni Chief Justice Renato Corona na umaabot ng P21 milyon sa nakalipas na 10 taon.
Ayon kay Anwaray party list Rep. Florencio Bem Noel, chairman ng House Committee on Accounts kuwestiyunable ang ilang detalye dahil isinama sa dokumento ang mga allowance at gastusin para sa operasyon ng tanggapan ni Corona.
Kabilang na dito ang Representation and Travel Allowance (RATA) at extra ordinary and miscellaneous expenses mula noong 2002 hanggang 2011 na umabot sa halos P4.6 milyon.
Paliwanag pa ni Noel, hindi umano ito maituturing na sweldo o allowance na maaring isama sa bank accounts ni Corona dahil kailangan itong i-liquidate sa pamamagitan ng mga resibo o certification at subject sa auditing ng Commission on Audit (COA).
Ito ay dahil sa nakapaloob umano ito sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng bawat ahensya sa ilalim ng taunang budget.
Katulad din umano ito ng mga allowance na ibinibigay sa mga kongresista sa ilalim ng pambansang budget at hindi maaring ikunsidera bilang sweldo ni Corona.
- Latest
- Trending