MANILA, Philippines - Tinanggal ng Trade Union Congress of the Philippines sa puwesto ang secretary general nitong si dating Senador Ernesto Herrera at dalawang kaalyadong miyembrong pederasyon dahil sa umano’y pagmamaliit sa liderato ng pinakamalaking organisasyon ng mga manggagawa sa bansa at pagtatakwil sa interes ng isa nitong pinakamalakas na affiliate member.
Ipinalabas ng TUCP Executive Board ang resolusyong may petsang Marso 7, 2012 na nagtatanggal kay Herrera at sa affiliates nilang Alyansa ng Manggagawang Pilipinong Organisado at Philippine Federation of Labor.
Ang pagsibak ng executive board kay Herrera ay kinumpirma ng 24-kataong General Council.
Idiniin ni TUCP Spokesperson at Assistant General Secretary Hernan Nicdao na mahigpit na sinunod ng Board ang due process na nagbigay sa kinauukulang mga partido ng sapat na panahon at oportunidad para makapagbigay ng sarili nilang panig.
Sinabi ni Nicdao na nabigo ang mga nasasangkot na pabulaanan ang alegasyon laban sa kanila at kinuwestyon pa ni Herrera ang ligalidad ng pagiging pangulo ni Atty. Democrito Mendoza na pinakamatagal nang lider ng TUCP.
Naunang inireklamo ng Associated Labor Union na kumolekta umano si Herrera ng P40,000 kompensasyon pero inamin na kinakatawan nito ang interes ng AMAPO sa TUCP.
Pinuna pa ni Nicdao na nagpapakilala pa si Herrera bilang TUCP president sa mga media interview.
Ipinaliwanag pa ni Nicdao na tinanggihan ng executive board at ng general council ang naunang pagbibitiw ni Mendoza sa puwesto at nakumbinsi ito na tapusin ang termino nito na matatapos pa sa Disyembre ng taong ito.
Inihalal naman ng TUCP si dating Social Security System Commissioner Victorino Balais bilang general secretary.