MANILA, Philippines - Patay ang 6-anyos na nene habang tatlong iba pa ang nasugatan kabilang ang kapatid nito matapos sumabog ang bomba na ginagawa ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Tapaz, Capiz kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Captain Reylan Java, spokesman ng Army’s 3rd Infantry Division, ang nasawi na si Rodelyn Aguirre.
Isinugod naman sa ospital ang kapatid nitong si Roda, 5, nagtamo ng malubhang sugat sa katawan.
Bandang alas-4:30 ng hapon habang naglalaro ang magkapatid sa bakuran ng kanilang bahay nang sumabog ang improvised explosive device sa Barangay Tacayan.
Lumilitaw na nag-assemble ng bomba ang mga rebeldeng NPA sa bisinidad ng bahay nina Aguirre ng sumambulat ang bomba na ikinasugat ng bata at ng dalawang rebelde.
Ang nasabing mga bomba ay gagamitin ng mga rebelde sa paglulunsad ng terorismo sa Capiz at iba pang lugar sa Panay.
“We appeal to the leadership of the NPA to spare our children from harm and stay away from the communities that choose to live in peace,” panawagan naman ni Major Gen. Jose Mabanta, Commander ng Army’s 3rd Infantry Division.