Corona tinakot, pinilit ng senador na mag-resign

MANILA, Philippines - Ibinulgar ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona na isang senador ang umano’y pinressure siya at nagpadala pa ng emisaryo para siya piliting mag-resign na lamang.

Bagamat tumanggi si Corona na pangalanan ang nasabing senador sinabi nito na grabe umano ang panggigipit nito sa kanya kung saan may kasama pang pananakot.

“.Alam nyo ang sabi eh, “mabuting sabihin mo sa kanya mag-resign na siya kundi huhubaran namin siya sa publiko. Alam ng senador na ito kung sino siya dahil kino-quote ko siya ng verbatim, kasi ‘yon ang mensaheng ipinaabot niya sa akin,” ani Corona.

Todo tanggi naman ang Palasyo na may ipinadala itong emisaryo kay Corona upang magbitiw ito o baligtarin ang naging desisyon sa Hacienda Luisita.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi gawain ng Aquino government ang ‘manggapang’.

Aniya, wala siyang nalalaman na ipinadalang emisaryo ang Pangulo kay Corona upang hilingin na magbitiw na lamang ito sa kanyang tungkulin.

Samantala, hinamon ni Corona si Pangulong Aquino na ilabas ang kanyang record hinggil sa pagkakaroong mental sanity at iwaksi ang special protection na ipinagkakaloob sa kanyang mga “KKK” o mas kilala bilang Kaibigan, Kabarilan at Kaklase.

Ayon kay Corona, panahon na upang ilantad ng Pangulo ang kanyang mental sanity records kasabay nang pagtuligsa sa double standard treatment and cover-up sa mga pagkakamali ng kanyang mga kaalyado.

Partikular namang tinukoy ni Corona ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ni Presidential Political Adviser Ronald Llamas na nasangkot sa pagbili ng mga piniratang DVD at ang eskandalo ng AK-47 machine gun.

Hindi rin pinalampas ni Corona ang sinasabing pagtanggap ng suhol ni PAGCOR Chairman Cristino “Bong” Naguiat Jr. mula kay Japanese gambling resort tycoon Kazuo Okada. Si Llamas ay shooting buddy ni Aquino habang si Naguiat ay kanyang kaklase.

“Kapag sila nahuhulihan ng pirated DVD pwede, kapag iba hindi pwede. Kapag sila nahuhulihan ng AK 47 pwede, pag iba hindi pwede. Kapag sila nagpupunta sa malalaking casino abroad pwede, pag iba hindi pwede. Masama po ‘yon, double standard,” giit ni Corona.

Hindi naman nababahala ang Palasyo sa mga ‘pasabog’ ng punong mahis­trado sa ginagawa nitong media blitz.

Show comments