MANILA, Philippines - Suportado ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na baguhin ang anyo ng Metro Manila upang ganap na maabot ang potensiyal sa ekonomiya at hindi tuluyang maiwan ang Pilipinas ng mga umuunlad na karatig lungsod sa Asya.
Ayon kay Echiverri na siya ring National Chairman ng League of Cities of the Philippines (LCP), maganda ang plano ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa paglulunsad nito ng “Metro Manila Greenprint 2030” na layuning makilala ang Metro Manila bilang isang progresibong lugar.
Aniya, ang Metro Manila ang sentro ng ekonomiya ng Pilipinas kaya’t dapat lamang na pagtuunan ng pansin kung ano ang mga dapat baguhin dito nang sa gayon ay makasabay ang bansa sa pag-asenso ng mga karatig lungsod sa Asya tulad ng Beijing, Vietnam, Hongkong at Singapore.
Base sa plano ng MMDA, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng national, local governments at public sectors ay hahanapin sa buong Metro Manila ang mga lugar na may potensiyal na dapat na idebelop na siyang makatutulong sa Pilipinas upang makilala sa buong mundo bilang isang progresibong lugar. Popondohan ang naturang programa ng World Bank (WB) na aabot sa halagang US$100 million at target na maisakatuparan ito sa darating na taong 2030.
Posible rin maisama sa proyektong ito ang bagong Skyway sa Metro Manila na magpapaluwag ng 40% sa bigat ng daloy ng trapiko sa EDSA, paglaban sa climate change at ang pagpapalakas sa ekonomiya.