Word war nina PNoy, CJ pinatitigil
MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes sina PNoy at Corona na tigilan na ang word war dahil hindi maganda ang dating nito sa bansa.
Ayon kay Bishop Bastes, sa halip na patuloy na magbangayan ay dapat na magnilay na lamang sa kani-kanilang mga sarili ang dalawang matataas na lider ng bansa lalo pa’t panahon na ng Kuwaresma at pagbabalik-loob sa Panginoon.
Dapat anyang maging mabuting halimbawa sina PNoy at Corona hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa lahat ng mga Pilipino.
Iginiit ng obispo na dapat pairalin ng punong ehekutibo at punong mahistrado ang kahinahunan at kababaang loob sa halip na magsiraan sa isa’t isa.
Nauna rito, ibinunyag ni Corona na ang paghingi ng Hacienda Luisita Incorporated ng P10-bilyon bilang kompensasyon sa pamamahagi ng lupain ng hasyenda sa mga magsasaka nito na kanyang tinanggihan ang naging ugat ng impeachment laban sa kanya.
- Latest
- Trending