MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Deputy Speaker Lorenzo “Erin” R. Tañada III si Chief Justice Renato Corona na magpakalalaki at tumestigo sa impeachment trial sa Lunes para lumabas ang katotohanan.
“Kung pinirmahan ni Corona ang kanyang SALN, tanging siya lamang ang pwedeng tumestigo tungkol sa katotohanan ng mga nakasaad dito,” sabi ni Tañada.
Sinabi ni Tañada, “magsalita ka, gamit ang sarili mong boses, at sabihin mo ang totoo.”
Pinuna ni Tañada si Corona sa pagpirma niya sa SALN gayong alam pala niyang misdeclared at may kulang sa impormasyon na nakasaad dito.
Ayon kay Tañada, malinaw na pangalan at pirma ni Corona ang nakalagay sa kanyang SALN, sa mga bank signature cards, at property contracts, at makikita doon ang mga pagkakaiba o discrepancies.
“Ang nangyayari ay lalong dumarami ang mga tanong kaysa sa kaliwanagan sa mga nasabing dokumento,” ayon kay Tañada.
Sinabi ni Tañada sa pamamagitan ng pagtestigo niya mismo sa witness stand, dito niya ma ipagtatanggol ang karampatang paggalang sa mataas na hukuman, sa kanyang pamilya, at sa kanyang sarili samantalang pinangangalandakan niyang ipagtatanggol ang mga ito.
Sa paghaharap ng depensa ng mga ebidensiya nito sa Lunes, “magkaka-alaman” na rin kung paano ipapaliwanag ni Corona na hindi siya lumabag sa Section 8 ng Republic Act 6713, o ang ‘Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, to Uphold the Time-Honored Principle of Public Office Being a Public Trust…?,” wika ni Tañada.