PNoy kinonsulta si Corona sa Truth Commission
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Malacañang na may naganap na pakikipagpulong noong Hulyo 2010 sa pagitan nina Pangulong Aquino at Chief Justice Renato Corona upang pag-usapan ang ilalatag na reporma ng Pangulo sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, totoong nagkaroon ng palitan ng kuro-kuro sina PNoy at Corona kung paano higit na mapapatibay ang ugnayan ng ehekutibo at hudikatura.
Pero itinanggi ni Lacierda na nakatuon ang pag-uusap nina Aquino at Corona sa Truth Commission na kinuwestyon sa Korte Suprema.
Aniya, isinantabi pa nga ng Pangulo ang anumang agam-agam kay Corona at binigyan siya ng Pangulo ng pagkakataong patunayan na wala itong kinikilingan at interes lamang ng nakakarami ang mananaig sa mga desisyon nito sa SC.
“Subalit matapos ang pabagu-bagong desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Dinagat Island, ang pagharang ng Hudikatura sa nakatakdang paglilitis kay dating Ombudsman Merci Gutierrez, nagsimulang lumawak ang lamat sa katapatan at pananagutan ni Ginoong Corona. At nang naglabas si Ginoong Corona ng TRO na muntik nang magpatakas kay Ginang Arroyo, naging lantaran ang pagdududang hindi interes ng publiko ang inuuna ng Punong Mahistrado, kundi ang pagtatanggol kay Ginang Arroyo,” paliwanag pa ni Lacierda.
Ibinunyag naman ni Corona sa panayam ng DWIZ radio na inalok siya ni Sen. Teofisto Guingona III na magretiro ng mas maaga kung saan ang ipapalit umano sa puwesto niya ay si Associate Justice Antonio Carpio. Nangyari ang nasabing “social lunch” sa bahay ng ama ng senador na si dating vice president Teofisto Guingona III.
Pero ayon kay Guingona, isang “social lunch” lamang umano ang nangyari at hind niya ito inalok na magkaroon sila ng term sharing ni Carpio. (Rudy Andal/Malou Escudero)
- Latest
- Trending