SUV ng solon ipapagamit kay PNoy
MANILA, Philippines - Nag-boluntaryo na si Iloilo Rep. Augusto Buboy Syjuco na makipagpalit ng sasakyan kay Pangulong Aquino para sa kaligtasan nito sa halip na bumili ng bullet at bomb-proof na sasakyan.
Ayon kay Syjuco, hindi sigurado ng Pangulo ang kaligtasan nito sa lumang Mercedes Benz na ginagamit nito kaya’t ipagpapalit na lang umano nito ang kanyang 2011 armored black na SUV Land Cruiser.
Ang nasabing SUV umano ay wala pang 1000km ang natatakbo at bagong bago pa ito na binili ng kanyang misis noong nakaraang taon bunsod sa pagkakaroon ng kaguluhan sa Iloilo kung saan mayroon umanong isang grupo ng nag-iinuman ang bigla na lamang namamaril ng mga nagdaraang sasakyan.
Nilinaw din ni Syjuco na ang SUV niya ay ginawa pa sa Dubai at dito rin inarmored kayat kahit na madaanan nito ang anumang landmine at barilin ang sakay nito ay hindi masasaktan ang sasakay dito. Hindi naman binanggit ni Syjuco kung magkano ang halaga ng naturang sasakyan.
Nilinaw naman ng mambabatas, hindi niya inaalok ang kanyang sasakyan dahil mayroon siyang hihinging kapalit sa Pangulo subalit nanawagan ito na ibigay na ang kanyang Priority Development Assistant Fund (PDAF) dahil marami na umanong pagkakautang ang kanilang lalawigan sa PhIlHealth at wala na rin silang maipambili ng gamot para sa mga may sakit.
Sinisisi naman ng oposisyon sa Kamara si PNoy kung bakit nalalagay din sa balag ng alanganin ang seguridad nito.
Ayon kay House Minority leader Danilo Suarez, mas tumataas ang banta sa seguridad ng Pangulo dahil ito mismo ang nag-utos na huminto sa mga traffic lights at nagbawal sa paggamit ng wang-wang na pangunahing requirements sa isang presidential entourage.
Katwiran ni Suarez, tanging sa Pilipinas lang ginagawa ang ganitong patakaran na tumitigil ang convoy ng Pangulo sa isang traffic light.
- Latest
- Trending