MANILA, Philippines - Ibinunyag ng isang kamag-anak ng mga Corona ang umano’y pang-aapi sa kanila ni Chief Justice Renato Corona nang “kamkamin” umano ang mga pag-aari ng Basa-Guidote Enterprises, Inc. (BGEI).
Ito ang bombang isinambulat ni Ana Basa sa isang panayam kamakailan. Si Ana Basa at misis ni CJ Corona na si Cristina ay magpinsang buo sa angkan ng mga Basa at Guidote na nagmamay-ari sa BGEI.
Sinabi ni Ana, na isang American citizen, na lumutang siya upang ibulgar ang ginawa umano ng mag-asawang Corona sa angkan ng mga Basa at Guidote, partikular sa ama niyang si Jose Ma. Basa, inang si Raymunda na sinampahan ng mga Corona ng libel case, at madreng tiyahin na si Flory Basa.
Sa edad na 90, si Flory na lang anya ang natitirang buhay sa orihinal na incorporators ng BGEI, bagamat ang magkakapatid na Basa ay may 26 na mga anak na siyang tunay na nagmamay-ari ng BGEI, taliwas raw sa pahayag ng mga abogado ni Corona na si Cristina na ang nag-iisang may-ari ng kumpanya.
“Talagang itinago sa amin ng mag-asawang Corona ang lahat ng transaksyon ng BGEI. Hindi namin alam yung cash advance, na ang perang winidraw noong Disyembre 12, 2011 sa tatlong magkakaibang accounts ni Renato Corona ay lumalabas na pag-aari ng BGEI,” ani Ana.
Binigyang-diin din ni Ana na hindi totoo ang sinasabi ni Corona na hindi siya nakisawsaw noon sa usapin ng BGEI dahil dumadalo pa raw ito sa mga hearing.
Maging ang madreng si Flory ay tanging hustisya na lang ang hinihiling na makamtam para magkaroon ng kabayaran ang sinapit nila sa mag-asawang Corona, wika ni Ana nang pasyalan niya ang tiyahin sa kumbento sa okasyon ng kaarawan nito.
“Syempre bilang madre, mapagpatawad siya at kami naman ay mapagpatawad na tao. Matagal ko na silang napatawad. Pero ito ay para malaman lang ng lahat ang katotohanan.”
Binanggit din ni Ana ang umano’y panunutok ng baril sa isang katiwala na mahigit 50 taong nanilbihan sa BGEI at bantaang “pasasabugin” ang mukha.
Ayon kay Ana, ang panunutok umano ni Corona ng baril kay Pedro“Mang Indo” Aguilon, 83 anyos, ay nangyari noong 1997.
Sa sinumpaang salaysay naman ni Aguilon, ibinulgar niyang ipinagiba rin ng mag-asawang Corona ang maliit na bahay na itinayo niya sa lupain ng BGEI sa Bustillos, Manila na kanyang binabantayan noon.
Ani Aguilon, ikinagalit ni Corona ang hindi niya paglalagay ng kandado sa naturang lupain.
Nagalit umano si Corona kay Aguilon dahil pinapasok ng huli ang mga Basa sa naturang property nang magdesisyon ang kanyang amang si Jose Ma.Basa III na alamin kung ano ba ang inirereklamo ng mga nangungupahan doon laban kay Cristina.