MANILA, Philippines - Malamang tanggapin ng Senado na tumatayong Impeachment Court ang ebidensyang nakuha sa mga dokumentong naglalaman ng mga impormasyon sa mga bank account ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Sinabi kahapon ni Senador Panfilo Lacson sa isang ulat na iyon ang pangkalahatang sentimyento ng mga senator-judges na mag-uusap sa closed-door meeting sa Martes hinggil sa kahilingan ni Corona na ipuwera ng impeachment court ang anumang ebidensiyang kaugnay ng kanyang signature card sa Philippine Savings Bank. Kabilang sa mga dokumento ang mga dollar account na sinasabing peke umano o iligal na nakuha.
“Lahat ng ebidensya na naiprisinta at namarkahan na, hangga’t maaari, tatanggapin namin bilang ebidensiya,” sabi ni Lacson.
Hindi naman nababahala ang prosekusyon sa umano’y ipinagmamalaking “key witness” ng depensa kaugnay sa impeachment trial ni Corona.
Ayon kay House Majority leader Neptali Gonzalez III, kahit sino naman ay makagpapaliwanag tungkol sa Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN) ni Corona kahit na ito ay isang accountant-lawyer na makakapagpaliwanag ng mga discrepancies sa SALN.
Subalit sa bandang huli umano ay maituturing pa rin itong “hearsay” dahil tanging ang punong mahistrado lang umano ang may “first hand knowledge” sa filling ng kanyang SALN.
Ang sinasabing accountant-lawyer ang umano’y key witness ng depensa.