Boksingero dapat may medical clearance, insurance bago lumaban
MANILA, Philippines - Kailangan munang magsumite ang mga professional boxers ng medical clearance kada anim na buwan at insurance coverage bago ito payagang makalaban sa ring.
Nakapaloob sa House Bill 5799 ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla, ang medical clearance ay kailangang isumite ng boksingero sa Games and Amusements Board (GAB) kada anim na buwan, bago mag-Hunyo 31 at Disyembre 31 ng bawat taon.
Iginiit ni Revilla ang maagang pagsasabatas ng panukala matapos ang pagkamatay ng Filipino boxer na si Karlo Maquinto na nagkaroon ng brain hemorrhage dulot nang mga tinamong suntok sa laban nito noong Enero 28, 2012.
Dahil umano sa karangalan at malaking pera mula sa pagiging professional boxer, maraming Pinoy lalo na mula sa mahihirap na pamilya ang pumapasok sa larangan ng boksing.
Dapat nakapaloob sa medical clearance ang resulta ng CT scan, X-ray, ECG, Drug Test, HIV Test at Eye Refraction. Ang hindi pagsusumite ng medical clearance sa GAB ay maaaring magsilbing basehan para sa hindi pagbibigay o non-renewal ng lisensiya para sa professional boxer.
Maaari itong masuspinde ng 15 araw para sa four-round match, 20 araw sa six-round match at 30 araw para sa 8, 10 at 12 round matches sa mga professional boxers.
Hindi rin papayagan magkaroon ng boxing match ng walang insurance para sa laban ng boksingero sa isang laban at ang sinumang lalabag dito ay maaaring makulong prision correccional o pagmultahin ng P250,000.
- Latest
- Trending




















