Tax records ng bidding firm sinisilip na ng BIR
MANILA, Philippines - Sinimulan nang busisiin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tax records ng isang bidding firm bunsod na rin ng kahilingan ng ilang tauhan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan ang kompanya.
Habang kinumpirma ang pagtanggap ng sulat mula sa DILG employees na may February 5, 2012, hindi naman nagbigay ng detalye si BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares ukol sa proseso ng imbestigasyon sa Kolonwel Trading.
“We cannot discuss it because it is confidential,” wika ni Henares, na binanggit ang Sections 71 at 270 ng Internal Revenue Code.
Ang Kolonwel at sister company nitong Joodar Cottage Industry, ay nakarehistro bilang single proprietorship sa ilalim ng isang Juanito Tionloc.
Bago rito, hiniling ng ilang kawani ng DILG kina DILG Secretary Jesse Robredo at Henares na silipin ang kakayahang pampinansiyal ng Kolonwel Trading na magsagawa ng government supply projects at kung nagbabayad ito ng tamang buwis.
Batay sa rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection, tinanggal ni Robredo ang Kolonwel matapos nitong makuha ang supply contract para sa P243 million halaga ng firefighting equipment sa BFP matapos makita na hindi ito nakasunod sa documentary requirements na hinihingi ng government bidding procedures.
Naalis din umano sa bidding ang Kolonwel sa kontrata ng Department of Education (DepEd) para sa pag-supply ng 17.5 million kopya ng textbooks at teachers’ manuals.
At kahit hindi umano bidder sa P455-million ice machine project ng Department of Agriculture noong 2009, kinasuhan daw ng Kolonwel si dating DA Secretary Arthur Yap at ang nanalong contractor ng plunder sa bintang na overpriced ang mga ice machine.
Samantala ang Joodar, na noon ay nanalo sa bidding para sa P102-million halaga ng combat boots ay natanggal matapos umanong mabigo ang mga produkto nito na makapasa sa quality standards ng AFP.
- Latest
- Trending















