Pinay na nasawi sa Syria walang grabeng sakit
MANILA, Philippines - Walang palatandaan na merong malubhang sakit ang isang Overseas Filipino Worker na namatay habang naghihintay ng kanyang flight sa paliparan sa Syria pauwi sa Pilipinas.
Ito ang lumabas sa imbestigasyon ng Department of Foreign Affairs hinggil sa pagkamatay ng Pinay na hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan.
Ayon sa tinanggap na report ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Esteban B. Conejos, Jr. sa Philippine Honorary Consul sa Aleppo na siyang nangasiwa sa nakatakda sanang pag-uwi ng nasabing Pinay kasama ang 11 pang OFWs mula Damascus, simula nang dumating ang nasabing biktima sa Konsulado noong Pebrero 9 ay hindi siya nakitaan ng anumang senyales o sintomas na siya ay may iniindang nakamamatay na sakit.
Una nang nasabi ng biktima na nagkaroon siya ng “flu” pero hindi siya kailanman tumanggi na ma-repatriate at sa katunayan umano ay dumaan pa siya sa normal na repatriation procedures sa Aleppo at personal pa nitong tinanggap ang kanyang airline ticket noong Pebrero 19.
Nauna sa nakatakda sanang biyahe pauwi sa Pilipinas, nagkaroon pa ng Urinary Tract Infection (UTI) ang naturang OFW subalit nagamot din ito base sa isinumiteng medical certificate ng kanyang Syrian employer sa Konsulado.
Nabatid na maayos umano ang kondisyon ng biktima nang magamot ang UTI nito kaya ikinonsiderang ‘fit to travel’.
Sa ulat ng DFA, namatay ang naturang Pinay sa Mujtahed Hospital sa Damascus matapos na isugod ito mula sa Damascus International Airport nang bumigay ang kanyang katawan habang nag-aantabay siya at 11 pang kasamahang Pinoy ng flight pauwi na sa Manila noong Pebrero 22. Lumalabas sa findings na ‘renal failure o kidney failure ang sanhi ng pagkamatay ng Pinay.
- Latest
- Trending