Single tax sa yosi at alak malabo pa
MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ng isang mataas na opisyal ng House and Ways and means Committee na nanatiling walang pangako ang gobyerno sa panukala ng Department of Finance (DOF) na ipatupad ang single tax system para sa mga tabako at alak.
Ito ang binunyag ni Ilocos Sur Rep. Eric Singson na siya ring Vice-chairman ng komite, kahit na pinaalalahanan ni University of the Philipines Prof. Leonor Briones, isang ekonomista at social scientist, ang gobyerno na sa pagsusulong para aprubahan ang isang panukalang batas ay hindi dapat na balewalain na mas mahalagang tugunan ang pangangailangan ng tao na siyang nagdurusa.
Sinuportahan naman ni Minority leader Danilo Suarez ang pahayag ni Briones at sinabing ang House Bill 5727 ay ginawa ng komite para pag-aralan ang analisahin ang magiging epekto sa tobacco at sugar cane farmers at distillery workers ng biglang pagtaas ng buwis sa mga produkto ng sigarilyo at alak.
Ayon pa kay Singson na siya ring pinuno ng sub-committee on national internal revenue, ginawa nito ang pagsisiyasat sa tanggapan ng Pangulo at sa Office of the Executive Secretary kaya napag alaman nito na hindi pa nage-endorso ang Malacanang ng anumang excise tax bill sa tobacco at alcohol.
Si Singson ay isa sa maraming kongresista na tutol sa House Bill 5727 dahil sa masamang epekto at negatibong impact sa industriya ng tabako at sa milyon nitong manggagawa at kanilang mga pamilya samantalang mayroon naman umanong ibang maaring pagkuhanan ng kita ang gobyerno.
Giit ni Singson, bakit hindi na lamang gamitin ng gobyerno ang credit line ng mga dayuhang institusyon na hindi naman nagagamit ang pera para sa publiko.
Iginiit pa ng mambabatas na ang panukalang batas ay magdudulot din ng hindi patas na impact sa idustriya ng tabako dahil sa mababang presyo at medium-priced products ay magkakaroon ng pagtaas ng mga buwis habang ang premium brands ay minimal lang ang pagtaas.
Samantala, sinabi naman ni Kasangga Rep. Teodorico Haresco na ang simplified tax structure sa sin products ay makatutulong para mahikayat ang mga foreign investors na magnegosyo sa bansa.
Nauna rito, sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares na pareho lamang na masamang epekto sa kalusugan ng sigarilyo, maging ito ay imported o locally-made, kaya dapat parehong mataas ang singilin ditong buwis.
- Latest
- Trending