Bidding firm pinasisilip sa DILG, BIR

MANILA, Philippines - Hiniling ng Concerned Employees of the Department of Interior and Local Government kina DILG Secretary Jesse Robredo at Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares na siyasatin ang pinansiyal na kapasidad ng isang bidding firm kung kaya nitong isagawa ang mga government supply projects at kung nagbabayad ito ng tamang buwis.

Sa isang sulat na may petsang Pebrero 5, 2012 kina Robredo at Henares, sinabi ng mga empleyado na nakarehistro ang Kolonwel Trading bilang isang single proprietorship na pag-aari umano ng isang Juanito Tionloc.

Sinasabi pa sa sulat na hawak din uamno ni Tionloc ang single proprietorship ng Jodaar Cottage Industries na nag-apply at ginawaran ng supply contract ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan noon.

Idinagdag sa sulat ng mga empleyado na maa­ring hindi umano sapat ang kapital ng Kolonwel at Jodaar para maging kuwalipikado sa multi-million peso government supply contract. Pinasisiyasat din nila kung matapat ba ang mga ito sa kanilang income tax return.

Ipinagtataka nila kung paano napanalunan ni Tionloc at ng kanyang kumpanya ang multi-millyong pi­song kontrata sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Maaari anilang may suporta ito ng ilang opisyal ng pamahalaan.

Nauna rito, diniskuwalipika ni Robredo ang Kolonwel matapos nitong makuha ang supply contract para sa P243 million halaga ng firefighting equipment para sa Bureau of Fire Protection. Hindi umano tumalima ang kumpanya sa documentary requirements alinsunod sa bidding procedures ng pamahalaan.

Show comments