Hotel accomodations sa Pagcor officials walang masama - Palasyo
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na walang ‘masama’ sa pagtanggap ng complimentary hotel accommodations sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) officials mula sa isang casino investor.
Sinabi ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda sa media briefing na ang pagbibigay ng free hotel accomodation ay isang acceptable industry practice.
Sinabi ito ni Lacierda matapos akusahan ng Wynn Resorts na sinusuhulan umano ni Universal entertainment head Kazuo Okada ang mga opisyal ng Pagcor.
Naunang nagpahayag si Pagcor chairman and chief executive Cristino Naguiat na bukod sa complimentary hotel accomodation, ipinagbabawal ang pagtanggap ng Pagcor officials ng mga regalo habang nanunungkulan sa pamahalaan.
Iginiit pa ni Lacierda na hindi naman personal na nakinabang si Pagcor chairman sa nakuha nitong pabor sa casino operator.
Pero sa isinampang reklamo ng Wynn Resorts laban kay Kazuo Okada sa Estados Unidos ay inakusahan si Okada na ‘nanuhol’ ng $110,000 sa travel expenses sa Pagcor officials.
Iginiit ng Wynn sa kanilang reklamo si Pagcor chairman Bong Naguiat, maybahay nito, 3 anak, yaya at iba pang opisyal ay ginastusan ni Okada sa Wynn’s Macau resort noong 2010 kung saan ay pinatuloy ang mga ito sa $6,000 a night villa.
Hindi naman itinanggi ng Pagcor ang nasabing hotel accommodations pero itinanggi na tumanggap si Naguiat ng cash gift at iba pang regalo mula kay Okada.
Tinanggap naman ni Pangulong Aquino ang naging paliwanag ni Naguiat dahil nagtitipid umano ang gobyerno bukod sa normal practice daw ito ng industriya.
- Latest
- Trending