MANILA, Philippines - Nakatakdang basahan ng sakdal ngayong araw si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para sa kinakaharap na kasong electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court branch 112.
Dahil na rin sa ipinatutupad na mahigpit na seguridad, pinagbawalan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang mga miyembro ng media na mag-cover sa loob ng sala ni branch 112 Judge Jesus Mupas.
Nilinaw naman ni Public Information Office chief, Sr. Supt. Danilo Pecana na maaaring mag-cover ang mga mamamahayag sa open ground sa labas ng Hall of Justice bldg. kung saan isang “media area” ang ilalagay. Pinayuhan rin ng NCRPO-PIO ang mga cameraman na magdala ng “three-step ladder platform” sa kanilang pagko-cover.
Kinakailangan rin na magparehistro ang mga miyembro ng media dakong alas-6:30 ng umaga upang payagang makapasok sa “media area”. Dito umano magbibigay ng updates sa takbo ng pagdinig ang mga miyembro ng korte at maging mga abogado ni Arroyo at ng prosekusyon buhat sa Comelec.
Matatandaan na sinampahan ng kasong “electoral sabotage” si Arroyo dahil sa manipulasyon umano sa resulta ng halalan noong 2007. Kasalukuyan itong nakaditine sa Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC) habang isinasailalim sa medikasyon sa sakit nito sa gulugod.
Si Arroyo ay ibibiyahe mula sa VMMC sa Quezon City patungo sa sala ni Judge Mupas.
Hindi naman tinukoy ni PNP Chief Gen. Nicanor Bartolome ang bilang ng mga pulis na idedeploy sa pagbasa ng sakdal kay Arroyo.