Mas maraming problema na dapat unahin kaysa impeachment - Obispo

MANILA, Philippines - Naniniwala si Lipa Archbishop Ramon Arguelles na dapat nang itigil ang isinasagawang impeachment trial ng Senado laban kay Chief Justice Renato Corona dahil marami pang mas importanteng bagay na dapat na bigyan ng pansin ng pamahalaan.

Ayon kay Arguelles, kabilang na sa mga problemang kinakaharap ng bansa ay ang problema sa kahirapan, unemployment, bagsak na ekonomiya, extra judicial killings, mga krimen, kaliwat-kanang kalamidad at marami pang iba na dapat pakatutukan ng gobyerno kesa sa impeachment trial na aniya’y pagsasayang lamang ng panahon at pera ng bayan.

Giit ni Arguelles, mas dapat na ginugugol ng pa­mahalaan ang oras at pera sa mga makabuluhang problema dahil mas marami ang dumaranas ng hirap.

Aniya, karamihan sa mga Filipino ay hindi na pinapansin ang impeachment dahil mas nais nilang isipin ang kanilang kakainin kinabukasan.

“Kung may nagawa man na di maganda ang Chief Justice ay dalhin sa proper court. Proved it and then he will be forced to step down! Ang nangyayari ngayon ay hindi naman sila handa ang prosekusyon. Akala siguro nila magbibitiw ang mama. E hindi!,” ani Arguelles.

Naniniwala naman si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz at Malolos Bishop Jose Oliveros na bumababa na ang kredibilidad ng impeachment court o Senado dahil sa mabagal na proseso ng paglilitis bunsod ng mga grandstanding at teknikalidad na ginagawa ng prosekusyon at depensa.

Binigyan diin nina Archbishop Cruz at Bishop Oliveros na nauubos na ang pasensiya at nawawalan na ng interes ang taongbayan sa impeachment trial dahil nagiging teleserye na ito na paikot-ikot lamang ng plot at istorya.

Show comments