MANILA, Philippines - Nagpaliwanag sa impeachment court si Quezon City 3rd district Rep. George “Bolet” Banal matapos na idawit ang pangalan nito ng mismong testigo ng prosekusyon na si Philippine Savings Bank (PSBank) Katipunan branch manager Annabelle Tiongson.
Paliwanag ni Rep. Banal, totoong nagpunta siya sa PSBank Katipunan branch upang humingi ng tulong kay Tiongson upang i-verify ang nakuha niyang sulat kamay na impormasyon na mayroong 700k na dollar account sa naturang bangko na iniwan sa siwang ng kanyang gate sa St. Ignatius, Quezon City.
Giit ni Banal, nagbabakasali lang siya kay Tiongson na i-verify ang naturang account at totoo tinakpan niya ang hawak na papel at ipinakita lang ang nakasulat na nasabing halaga subalit hindi alam ng buong prosecution team na nagbeberipika siya sa mga impormasyong nakuha kayat humingi rin ito ng paumanhin sa kanyang mga kasamahan.
Si Banal ang siya ring Deputy Majority leader at tumatayong finance manager at miyembro rin ng secretariat ng prosecution team at siya ring tumalo kay Matt Defensor bilang Kongresista ng ikatlong distrito ng Quezon City noong 2010 elections.
Nabuko ang partisipasyon ni Banal matapos na mabanggit ni Tiongson na nagtungo si Banal sa bangko upang humingi ng tulong noong Enero 31 subalit taliwas naman ito sa pahayag ni Rep. Rey Umali na ibinigay sa kanya ng isang “small lady” ang naturang dokumento noong Enero 2 at Enero 3 nila ito naihan sa impeachment court.
Paliwanag naman ni lead prosecutor Rep. Niel Tupas Jr. na hindi sila nag-uusap ni Banal at ngayon lamang nito nalaman ang pagtungo sa bangko ni Banal at hindi niya ito inutusan.
Hindi naman alam ni Banal kung ang nakuha nitong dokumento ay siya ring dokumento na ibinigay ng “small lady” kay Rep. Umali.
Muli namang pinababalik ni Sen. Juan Ponce-Enrile si Banal sa Lunes sakaling mayroong mga katanungan ang mga judges tungkol sa nasabing isyu.