Pag-leak ng accounts ni Corona pina-iimbestigahan na ng BSP
MANILA, Philippines - Pina-iimbestigahan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang sinasabing pag-leak ng mga detalye ng dollar account ni impeached Chief Justice Renato Corona. Ginawa ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pahayag habang nakasalang sa witness stand si Philippine Savings Bank (PSBank) President Pascual Garcia kaugnay sa bank accounts ng chief justice.
Pinanindigan naman ni Garcia na hindi sa kanila nagmula ang mga kumakalat na dokumento sa mga accounts ni Corona kaya tinanong ni Enrile kung nanggaling ba ito sa langit.
“So where will it come from then? From heaven?” sabi ni Enrile.
Kaugnay nito, nagbabala si Enrile na dapat magsabi ng totoo si Garcia dahil nakahanda itong ipatupad ang rules ng impeachment court.
Ipinapa-subpoena ni Enrile ang orihinal na mga dokumento ng accounts ni Corona upang maikumpara ito sa mga dokumentong hawak ng impeachment court. Ipinahiwatig pa ni Enrile na imposible namang may langaw o ipis na nakapasok sa PSBank Katipunan branch upang i-photocopy ang mga dokumento.
Matatandaan na sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na isang “small lady” umano ang nag-abot sa kaniya ng isang brown envelope na naglalaman ng mga dokumento ng bank accounts ni Corona kaya nagkaroon ng impormasyon ang prosekusyon tungkol sa mga ito. Pinapa-subpoena rin ng Senado ang branch manager ng PSBank sa Katipunan, Quezon City na si Anabelle Tiongson upang humarap sa hearing sa Pebrero 13.
- Latest
- Trending