MANILA, Philippines - Kinansela na ng Philippine National Police (PNP) ang lisensya ng baril ng isang clerk ng Bureau of Customs (BOC) at negosyante na nasangkot sa pamamaril noong nakalipas na Enero 23 sa South Luzon Expressway (SLEX).
Ayon kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, tinanggalan na rin ng pribilehiyo para makapagbitbit ng armas sina BOC clerk Paulino Elevado at negosyanteng si Florencio Bato.
Sinabi ni Sr. Supt. Raul Petrasanta, chief ng PNP Firearms and Explosives Office, na matapos matanggap ang kautusan ng PNP chief ay kinansela na niya ang lisensya ng baril nina Elevado at Bato habang mismong si Bartolome na rin ang nagkansela sa Permit To Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ng dalawang suspect.
Sina Elevado at Bato ang natukoy na lulan ng Porsche sports car na inaresto ng Pasay City Police matapos na masangkot sa high speed driving na hinabol ng mga awtoridad sa SLEX kung saan ay nagpaputok pa ang mga ito ng baril sa pangha-harass ng isang estudyante na bahagyang nasagi ng minamanehong Innova ang kanilang Porsche.
Nabatid na si Ele vado ay nagmamay-ari ng isang cal .40 Taurus pistol habang si Bato ay isang cal.45 SAM pistol na pawang naisyuhan ng PTCFOR.
Nasa kustodya ng Pasay Police ang baril ni Elevado habang binigyan na ng taning si Bato na isuko sa pulisya ang kaniyang cal. 45.