MANILA, Philippines - Walong taon matapos akusahan ng pagkakasangkot sa multi-milyong ‘coruption scandal’ sa Armed Forces of the Philippines (AFP), pinatalsik na ng organisasyon na binubuo ng mga nagsipagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) si dating AFP Comptrollership ret. Major Gen. Carlos Garcia.
Sinabi ni Brig. Gen. Remy Tigulo, Chairman ng PMA Alumni Association Inc. (PMAAAI) ang conviction ni Garcia ng PMA Class 1971 sa General Court Martial ay inaprubahan na ni Pangulong Aquino noong Setyembre 2011 at nagsilbing basehan ng pagtitiwalag nila dito.
Sa pinakahuling isyu kahapon ng Cavalier, ang opisyal na publikasyon ng PMAAAI, ang pagpapatalsik nila kay Garcia ay alinsunod sa patakaran ng asosasyon sa mga miyembro nito na dapat ay mapanatili ang malinis na pangalan at hindi masangkot sa anumang uri ng katiwalian lalo na sa korapsyon.
Nagsumite ng resolusyon ang PMAAAI sa pinakahuling pagpupulong nito kamakailan at isinapinal ang pagpapatalsik kay Garcia kaugnay ng “acts inimical to the interest of the PMA and the PMAAAI.”
Si Garcia ay convicted sa paglabag sa GCM kaugnay ng paglabag sa Articles of War (AW) 96 conduct unbecoming an officer and a gentleman at AW 97 conduct prejudicial to good order and military discipline.
Nahatulan ito dahil sa hindi tamang pagdedeklara ng Statement of Asset and Liabilities and Networth (SALN) noong 2003.
Si Garcia ay napatunayan ring guilty sa paglilitis ng Sandiganbayan sa pandarambong sa mahigit P300 M pondo ng AFP sa panahon ng panunungkulan nito sa AFP Comptrollership. Nadiskubre ito noong 2004 matapos mahulihan ang dalawang anak nitong lalaki ng $100,000 sa paliparan ng Estados Unidos.
Inaprubahan naman ni PNoy ang rekomendasyon kaya dinakip muli si Garcia at ngayo’y kasalukuyang nakapiit sa National Bilibid Prisons.