MANILA, Philippines - Pinangangambahang aabot sa 30,000 katao ang mamamatay sa Metro Manila sakaling tumama ang magnitude 7.2 na lindol kung saan 18,000 ang masasawi sa sunog na dulot ng pagyanig.
Sa pag-aaral na ginawa sa Japan noong 2004, sinabi ni Jun Palafox na tiyak na guguho ang mga gusali at kabahayan na nakatayo sa mismong taas ng 70 kilometrong faultline mula sa Bulacan hanggang sa Cavite kapag gumalaw ito.
Sang-ayon naman si Palafox na matagal ng pinaghahandaan ng gobyerno ang ganitong kalamidad dahil sa pagtatayo ng mga structural audit sa lahat ng mga bagong gusali ngayon.
“Hindi dapat tayuan ng bahay o gusali o anumang istraktura ang ibabaw ng faultline puwede siguro 5 meters mula sa ibabaw, dahil tiyak na guguho ang mga ito kapag malakas ang lindol na tatama,” pahayag ni Palafox sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag ng magaling na architect, mas matibay ang mga high-rise building na tinatayo ngayon lalo na sa Metro Manila kumpara sa mga low rise building.
Nabatid na dalawang porsiyento lamang sa mga matataas na gusali ang guguho sa 7.2 na lindol habang 4 porsiyento naman sa mga low rise dahil ang mga mababang gusali ay hindi binabantayan ng mga building experts at hindi pinatitibay.
Pahayag ito ni Palafox isang araw matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang ilang lugar sa Visayas at Mindanao partikular ang Negros Oriental kung saan 43 na ang kumpirmadong patay habang marami pa ang hinahanap.