Bacoor, Imus malapit ng maging city

MANILA, Philippines - Inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee ang panukalang batas na magiging daan upang maideklarang component city ang mga bayan ng Bacoor at Imus sa Cavite.

Sa pagpupulong na ginanap ng Bicameral Conference Committee na magkasanib na pinamumunuan nina Senator Ferdinand “Bong Bong” Marcos, Jr. at Negros Oriental 2nd District Rep. George Arnaiz, nagkasundo na ipasa ang lahat ng mga panukalang batas para maging siyudad ang dalawang bayan.

Itatakda ng komite ang presentasyon ng mga consolidated cityhood bills sa plenaryo.

Kapag naging batas, magsasagawa ng plebisito sa Bacoor at Imus para ratipikahan ang pagiging lungsod nito ng majority votes ng mga kuwalipikadong botante.

Binigyang-diin ni Senator Ramon Bong Revilla na nararapat lang na ma­ging component city ang dalawang nabanggit na bayan dahil nakamit naman nito ang mga necessary requirements sa ilalim ng Local Government Code.

“In 1997 and 2000, Bacoor registered the highest average family income in the entire Cavite Province. Bilang first class municipality, ang kinikita ng Bacoor ay katumbas na ng kinikita ng ilang lungsod sa Metro Manila. Ang Imus naman, first class municipality na rin ito mula pa noong1986 at lagpas na rin sa P100 million ang kinikita nito na isa sa mga kuwalipikasyon para maging component city,” sabi ni Revilla.

Sa ilalim ng Republic Act 9009 na nag-amiyenda sa Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991, maaaring ma­ging component city ang isang bayan o kumpol ng mga barangay kapag ito ay may locally generated average annual income na isang daang milyong piso (P100,000,000.00) sa nakalipas na dalawang magkasunod na taon.   

Show comments